Overtime

UNANG GOLD SA PALARO ITINAKBO NI TAJARROS

26 May 2026

MATAGUMPAY na naidepensa ni Chrisia Mae Tajarros ang korona sa secondary girls’ 3000-meter event ng 2026 Palarong Pambansa kahapon sa Datu Lipus Makapandong Governor D.O. Plaza Sports Complex sa Agusan del Sur.

Kontrolado ng pambato mula sa Region 8 ang takbo ng karera sa mga unang lap bago tuluyang humiwalay sa final stretch upang masungkit ang unang gintong medalya ng torneo.

Nagtala ang 14-anyos na atleta ng 10:04.76 oras, mas mabilis kumpara sa kanyang 10:18.6 performance noong nakaraang taon sa Ilocos Norte kung saan una niyang napanalunan ang parehong event.

Nakuha naman ni Angel Lumacang, kakampi ni Tajarros sa Tanauan National High School sa Leyte, ang silver medal sa oras na 10:16.24. Bronze medal naman ang naiuwi ni Charlen Cos ng Region 11 matapos magtala ng 10:27.20.

“First of all, thank you po sa itaas, all glory to God,” pahayag ni Tajarros sa panayam ng media matapos ang karera. “[Maging] patient lang po and manalig sa Diyos.”

Ibinahagi rin ni Tajarros na mas naging kumpiyansa siya sa kanyang kampanya ngayong taon matapos ang halos isang taong paghahanda para sa torneo.

“Confident lang po na kaya ko ‘to, nag-training ako ng halos isang taon para mag-prepare dito kasi once in a year lang ‘tong Palaro,” dagdag niya.

Samantala, nakamit  ng Negros Island Region Visayan Vipers ang kanilang kauna-unahang ginto sa week-long event matapos na manguna si Margin Iwayan sa elementary girls javelin throw event.

Impresibo ang naging performance ni Iwayan, na kinakatawan ang Schools Division Office ng Sagay City at ginagabayan nina coaches Renan Perdon at Norven Ledesma, para maghatid ng karangalan sa kanyang rehiyon. ADRIAN CO