Overtime

ALINSUG, JARDIO LALARO PA SA NU SA UAAP SEASON 89

22 May 2026

MANANATILING buo ang beteranong core ng National University para sa UAAP Season 89 women’s volleyball tournament matapos kumpirmahin ng ilang pangunahing manlalaro nito ang kanilang pagbabalik para sa Lady Bulldogs.

Pangungunahan nina team captain Evangeline Alinsug at libero Shaira Jardio ang mga magbabalik na manlalaro kasama sina middle blockers Chamy Maaya, Alexa Mata, at Myrtle Escanlar.

“Still proud and thankful for how far we’ve come. The journey continues for Gold and Blue,” ani Alinsug sa kanyang Instagram post.

“A tough Season 88 but still a season filled with gratitude, growth, and unforgettable memories. Maraming salamat NU Community for the unwavering support and love. We’ll be back stronger next season,” sabi  naman ni Jardio sa hiwalay na post.

Nagtapos bilang runner-up ang Lady Bulldogs sa UAAP Season 88 matapos yumuko sa De La Salle University Lady Spikers, na winalis ang Finals para sa kampeonato.

Pumasok ang NU sa nakaraang season na may malaking pagbabago sa roster bunsod ng pag-alis nina Mhicaela Belen, Alyssa Solomon, Sheena Toring, at Erin Pangilinan na naging sandigan ng kanilang mga nakaraang kampeonato.

Sa kabila nito, nakabalik pa rin sa Finals ang Lady Bulldogs sa pangunguna nina Alinsug, Jardio, Arah Panique, rookie na si Sam Cantada, at iba pang beteranong manlalaro ng koponan.

Naging matatag si Jardio sa depensa ng NU sa buong torneo at kinilala bilang Best Libero ng season, habang umangat din ang laro nina Maaya at Mata lalo na sa championship series.

Nagbigay rin si Escanlar ng mahalagang enerhiya at ambag mula sa bench para sa Lady Bulldogs.

Si setter Camilla Lamina lamang ang nagtapos na ang playing eligibility matapos ang Season 88, dahilan upang inaasahang mas malaking papel ang gampanan ni Abe Pono bilang pangunahing setter ng koponan sa susunod na season.