Overtime

UAAP: LADY BULLDOGS PINAHIGPIT ANG KAPIT SA IKA-2 PUWESTO

6 April 2026

MAGAAN na dinispatsa ng National University Lady Bulldogs ang Adamson University Lady Falcons, 25-20, 25-21, 25-21, sa UAAP Season 88 Women’s Volleyball Tournament kagabi sa UST Quadricentennial Pavilion.

Nakopo ng Lady Bulldogs ang kanilang ikalawang sunod na panalo upang umangat sa 8-3 kartada, kasabay ng pagkumpleto sa season sweep laban sa Lady Falcons sa elimination round.

Pinangunahan ni Evangeline Alinsug ang opensiba ng NU sa naitalang 15 puntos, kabilang ang 12 atake, habang nag-ambag sina rookie Samantha Cantada at Arah Panique ng tig-12 puntos.

Nagpakitang-gilas din si Camille Lamina, na nagsilbing starting setter sa laban, matapos magtala ng 20 excellent sets bukod sa tatlong puntos para sa defending champions.

Kumamada si Shaina Nitura ng 23 puntos

para sa Lady Falcons na nahulog sa 6-5 kartada at sa ika-5 puwesto sa standings.

Samantala, pinatibay ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang kanilang kampanya para sa Final Four matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-21, 26-24, 25-20.

Pinangunahan ni Angeline Poyos ang Tigresses sa kanyang 17 puntos, habang nagdagdag si Regina Jurado ng 11 puntos upang itulak ang Golden Tigresses sa 7-4 kartada.

Kontrolado ng UST ang malaking bahagi ng laban, ngunit kinailangan nitong pigilan ang huling paghabol ng UE sa ikalawang set kung saan naipuwersa ang Tigresses sa extended play bago tuluyang naisara ang set.

Sa ikatlong set, ipinakita ng UST ang kanilang composure upang tuluyang tapusin ang laban sa straight sets, habang patuloy na nagpapakita ng momentum papalapit sa huling yugto ng elimination round.

Nanguna sa Lady Warriors si Khy Cepada na may 17 puntos, habang nag-ambag si Bea Zamudio ng 12 puntos, subalit nanatiling walang panalo ang UE matapos ang 11 laro.