LADY SPIKERS SINELYUHAN ANG UNANG FINAL FOUR BERTH
INANGKIN ng De La Salle University Lady Spikers ang unang Final Four berth sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament matapos na magaan na dispatsahin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 25-15, 25-18, 25-20, kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion.
Nanatiling walang talo ang Lady Spikers sa 10 laro at pinalawig ang kanilang sunod-sunod na pagpasok sa postseason sa ika-16 na taon mula pa noong Season 71 (2008-2009).
Sa kabila nito, iginiit ni Lady Spikers head coach Ramil de Jesus na mas mahalaga pa rin ang paghahanda sa bawat laban kaysa sa kasalukuyang puwesto ng koponan.
“Sa akin kasi, basta may dumating, magpi-prepare lang kami every game. Kung ano man ang standing namin, secondary na lang ’yon, result na lang ’yon. Basta sabi ko lang sa mga bata, maghanda lang tayo, bigyan ng respeto ang bawat kalaban, although nadaanan na natin nung first round,” ani de Jesus.
Mula simula hanggang dulo ay kontrolado ng La Salle ang laban, naitala ang isa pang straight-sets win kontra UP matapos din nilang walisin ang Fighting Maroons sa unang round.
Nakipagsabayan ang UP sa ikatlong set at nakalapit sa 19-20 sa pangunguna nina Niña Ytang, Jelai Gajero, at Kianne Olango, ngunit nagsanib-puwersa sina Lilay Del Castillo at Angel Canino sa 5-1 ratsada upang tuluyang tapusin ang laro sa loob ng isang oras at 24 minuto.
Pinangunahan ni team captain Shevana Laput ang Lady Spikers sa naitalang 16 puntos mula sa 14 attacks at dalawang blocks, habang nag-ambag sina Canino at Amie Provido ng 15 at 10:puntos, ayon sa pagkakasunod.
“Honestly, hindi naman po ako ganoon ka-parang mature pa. Kahit na yun po yung nakakita po ng iba. Dahil lang din po siya sa tulong po ng coaches and ates,” ani DLSU setter Eshana Nunag, na nagtala ng 15 excellent sets at dalawang puntos.
Sa panig ng UP, umiskor sina Gajero at Ytang ng tig-siyam na puntos habang nag-ambag si Olango ng pito. Bumagsak ang Fighting Maroons sa 4-6 rekord at nanatili sa ikaanim na puwesto.
Sa ikalawang laro, ipinuwersa ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang three-way tie sa ikatlong puwesto sa standings matapos ang 25-17, 25-17, 18-25, 25-16 panalo sa Far Eastern University Lady Tamaraws.
Kasalukuyang tabla sa 6-4 kartada ang Golden Tigresses, Lady Tamaraws, at Adamson University Lady Falcons.