Overtime

LETRAN VS CSB SA NCAA WOMEN’S VOLLEY FINALS

29 March 2026

SINELYUHAN ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang kanilang puwesto sa NCAA Season 100 women’s volleyball finals makaraang pataubin ang San Beda University Lady Red Spikers, 25-18, 25-19, 23-25, 25-21, sa kanilang do-or-die Final Four kahapon sa San Andres Sports Complex.

Sinandigan ng Lady Knights si libero Lara Mae Silva, na nagtala ng 38 excellent digs at 19 excellent receptions upang tanghaling Player of the Game.

Maagang kinontrol ng Lady Knights ang laban matapos dominahin ang unang dalawang set sa pamamagitan ng maayos na opensa at matibay na depensa sa floor.

Hindi naman basta sumuko ang San Beda at nakabawi sa ikatlong set upang mapahaba ang laban. Gayunman, agad nakabawi ang Letran sa ikaapat na set upang tuluyang maisara ang panalo.

Sa panalo, umusad ang Lady Knights sa finals sa ikatlong sunod na pagkakataon at muling makakaharap ang defending champion College of St. Benilde Lady Blazers.

May bentahe ang Lady Blazers sa kanilang head-to-head matapos dominahin ang Lady Knights sa kanilang dalawang nakaraang pagtatapat sa kampeonato. Gayunpaman, nagawa silang talunin ng Letran sa eliminations ngayong season.