DLSU NANATILING WALANG BAHID SA UAAP WOMEN’S VOLLEYBALL
NAPANATILI ng De La Salle University Lady Spikers ang malinis na kartada matapos igupo ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-12, 18-25, 25-23, 25-14, sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbida si Angel Canino sa opensa ng Lady Spikers na may 16 puntos, habang nag-ambag sina Shevana Laput at Shane Reterta ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, tungo sa pag-angat sa 9-0 na kartada.
Agad na nagpakita ng lakas ang La Salle sa unang set matapos dominahin ang UST, 25-12. Gayunman, bumawi ang Golden Tigresses sa ikalawang set, 25-18, upang itabla ang laban habang unti-unting nakuha ang kanilang ritmo sa opensa at depensa.
Nagpatuloy ang momentum ng UST sa ikatlong set at tila kukunin na ang bentahe nang umabante ito sa 20-12. Subalit nagpakita ng matinding determinasyon ang Lady Spikers, unti-unting hinabol ang agwat tungo sa pagtakas ng 25-23 set win.
Hindi na nagpaawat pa ang Lady Spikers sa ikaapat na set, tuluyang tinapos ang laban at pinanatili ang kanilang malinis na rekord.
Nahulog ang UST sa 5-4 at naputol ang kanilang tatlong sunod na panalo. Nanguna sa kanila si Angeline Poyos na may 20 puntos, habang nagdagdag si Regina Jurado ng 12 puntos.
Samantala, pinatatag ng Adamson University Lady Falcons ang kanilang kampanya sa Final Four matapos walisin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-17, 27-25, 25-16.
Nagbuhos si Shaina Nitura ng 25 puntos, habang nagdagdag si Frances Mordi ng 15 para sa Lady Falcons na umangat sa 5-4.
Tabla sa 25-all sa ikalawang set, umeksena si Nitura sa pamamagitan ng isang mahalagang off-the-block hit upang makuha ang bentahe bago tuluyang isinara ang set sa pamamagitan ng service ace.
Dala ang momentum, rumatsada ang Adamson sa ikatlong set matapos umarangkada sa 9-2 bentahe na nagsilbing daan sa kanilang dominasyon hanggang sa matapos ang laban.
Nagtala sina Zel Tsunashima at Alex Montoro ng tig-siyam na puntos para sa Ateneo na lalong nabaon sa 1-8.