NCAA: LADY BLAZERS BALIK SA FINALS; LADY RED SPIKERS BUHAY PA
MAGAAN na dinispatsa ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang Perpetual Help Lady Altas, 25-18, 26-24, 25-21, sa Game 2 ng kanilang semifinal series. sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinangunahan ni rookie Cam Bartolome ang Benilde sa kanyang 22 puntos, kabilang ang mga krusyal na atake sa ikatlong set na nagselyo sa panalo at tumapos sa serye sa 2-0.
Nag-ambag si Zamanta Nolasco ng 11 puntos, habang may siyam si Clydel Catarig upang suportahan ang opensiba ng apat na beses na nagdedepensang kampeon na balik sa finals ng torneo.
Bagama’t nakontrol ng Benilde ang laban, kinailangan nilang paghirapan ang ikalawang set nang umabot ito sa 24-all. Dito ay umeksena si Bartolome sa isang crucial hit at service ace upang makuha ang 2-0 abante sa set.
Naging dikit din ang ikatlong set nang makatabla ang Perpetual sa 18sa tulong ni Shai Omipon, ngunit agad na tumugon ang Lady Blazers sa pamamagitan ng sunod-sunod na puntos na pinangunahan ni Shahanna Lleses upang tuluyang isara ang laban.
Samantala, humirit ang San Beda University Lady Red Spikers ng do-or-die Game 3 matapos silatin ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-17, 21-25, 25-23, 25-21, sa Game 2 ng kanilang sariling semifinals series.
Ipinalasap ng Lady Red Spikers ang kauna-unahang pagkatalo ng Lady Knights ngayong season upang panatilihing buhay ang kanilang asam na makasampa sa finals.
Bago ang nasabing resulta ay dinomina ng Lady Knights ang lahat ng kanilang nakalaban sa preliminary round, maging ang nakatapat sa quarterfinals at ang series opener ng semis nila ng San Beda.
Sa kabila ng matibay na kampanya ng Letran, nagpakita ng tikas ang San Beda sa mahahalagang sandali, lalo na sa dikitang ikatlong set, upang maipuwersa ang isang winner-take-all na laban para sa isang puwesto sa finals.