Overtime

LETRAN, CSB LUMAPIT SA NCAA WOMEN’S VOLLEY FINALS

23 March 2026

ISANG hakbang na lamang ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights at College of St. Benilde Lady Blazers patungo sa finals matapos makauna sa NCAA Season 101 women’s volleyball semifinals kahapon sa Strike Gym sa Cavite.

Lumapit ang Lady Knights sa ikatlong sunod na finals appearance makaraang pataubin ang San Beda University Lady Red Spikers, 20-25, 28-26, 25-21, 28-26, sa Game 1 ng kanilang best-of-three series.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Letran sa kanyang 25 puntos mula sa 20 attacks, tatlong blocks, at dalawang service aces. Nag-ambag si Vanessa Sarie ng 17 puntos, na sinamahan ng 21 digs at 14 receptions.

Matapos mabigo sa unang set, bumawi ang Lady Knights sa sumunod na dalawang sets at nakipagsabayan sa dikitang laban sa ikaapat na set. Hawak ang manipis na 24-23 abante, nakalusot ang San Beda sa dalawang sunod na puntos para makuha ang set point, 25-24.

Agad namang sumagot ang Letran upang itabla ang laban, ngunit muling lumaban ang Red Spikers hanggang sa umabot sa 26-all. Sa huling sandali, umeksena si Nitura upang tiyakin ang panalo.

Nanguna para sa San Beda si Angel Habacon na may 25 puntos, dagdag pa ang 13 receptions at 12 digs, habang nag-ambag si Janelle Bachar ng 16 puntos sa pagkatalo.

Samantala, nakabawi mula sa maagang deficit ang four-peat seeking na Lady Blazers upang pabagsakin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-17, 18-25, 25-27, 25-19, 15-8.

Gaganapin ang Game 2 sa Miyerkoles sa San Andres Sports Complex kung saan sisikapin ng Letran at St. Benilde na tapusin ang kani-kanilang serye at maisaayos ang finals showdown.