SAN BEDA, PERPETUAL KINUMPLETO ANG SEMIS CAST SA NCAA WOMEN’S VOLLEY
NALUSUTAN ng San Beda University Lady Red Spikers ang matinding hamon ng Mapua Lady Cardinals, 25-21, 24-26, 21-25, 28-26, 15-13, upang masungkit ang huling puwesto sa semifinals ng NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Napuwersa sa do-or-die ang Lady Red Spikers matapos hindi masulit ang kanilang twice-to-beat advantage sa unang laro, kaya kinailangan nilang umasa sa composure sa dikdikang fifth set upang maiwasan ang upset mula sa Lady Cardinals.
Dikit ang laban sa deciding set kung saan tabla sa 10-10 ang dalawang koponan bago pinasimulan ni Angel Mae Habacon ang mahalagang run. Nagtala ang San Beda ng tatlong sunod na puntos, tampok ang magkasunod na atake ni Habacon upang umabante sa 13-10.
Tumangging sumuko ang Mapua at nakalapit sa 14-13 matapos maisalba ang dalawang match point. Gayunman, tuluyang tinuldukan ni Habacon ang laban sa pamamagitan ng off-the-block hit.
Pinangunahan ni Habacon ang San Beda sa kanyang triple-double na 28 puntos, 21 digs, at 14 receptions, habang nagdagdag si Janelle Bachar ng 26 puntos. Nag-ambag din si Katleya Molina ng 12 puntos.
Sa panig ng Mapua, nanguna si Raissa Ricablanca na may 24 puntos, habang gumawa si Angellick Gavica ng 31 excellent sets sa kanilang huling laro sa season.
Haharapin ng San Beda sa best-of-three semifinals series ang walang talong Colegio de San Juan de Letran Lady Knights.
Samantala, nanatiling buhay ang kampanya ng University of Perpetual Help Lady Altas matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-12, 25-19, 25-18, sa kanilang knockout quarterfinal match.
Matapos na mapuwersa sa do-or-die game, nagpakita ng kakaibang determinasyon ang Lady Altas upang maselyuhan ang kanilang pagbabalik sa Final Four sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon.
Pinangunahan ni Jem Menor ang Lady Altas sa kanyang all-around performance na 14 puntos, kalakip ang 12 digs at 12 receptions. Nagtala rin si Cy Almeniana ng 14 puntos, habang nag-ambag sina Shai Omipon at Cha Enrico ng tig-10 puntos.
Haharapin ng Lady Altas sa semis ang four-time defending champion College of Saint Benilde Lady Blazers.