UAAP: LADY BULLDOGS DINAGIT ANG BLUE EAGLES
MAGAAN na dinispatsa ng National University Lady Bulldogs ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-18, 25-18, 25-15, sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Balik-aksiyon si rookie Samantha Cantada matapos na hindi makapaglaro sa nakaraang laban dahil sa right shin injury na natamo niya noong nakaraang buwan. Nagtala siya ng anim na puntos, pitong excellent receptions, at isang excellent dig para sa NU.
Pinangunahan ni Evangeline Alinsug ang opensa ng Lady Bulldogs sa pagkamada ng 18 puntos mula sa 14 attacks, tatlong blocks, at isang service ace. Nagdagdag si Arah Panique ng 10 puntos upang tulungan ang NU na umangat sa 5-1 rekord.
Mula sa unang set ay kontrolado na ng Lady Bulldogs ang laro, na nagdikta ng tempo at patuloy na inilagay sa depensa ang Ateneo. Naging matatag ang kanilang opensiba at floor defense kaya hindi nakabuo ng seryosong paghabol ang Blue Eagles.
“We’re doing our best every game and we’re happy because everybody can play well whenever we need them… We cannot focus so much on individual skills, we have to work together talaga,” ani NU head coach Regine Diego.
Nagtala naman sina rookies Ana Hermosura at Dona Mae de Leon ng tig-pitong puntos para sa Blue Eagles, na nanatiling walang panalo matapos ang anim na salang.
Sa isa pang laro, nagpatuloy ang magandang takbo ng Far Eastern University Lady Tamaraws (4-2) matapos pataubin ang University of the Philippines Fighting Maroons (3-2) sa straight sets, 25-13, 25-21, 25-16.
Mula umpisa hanggang dulo ay kontrolado ng Lady Tamaraws ang laban, gamit ang balanseng opensa at matibay na depensa upang manaig laban sa Fighting Maroons at maitala ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Pinangunahan ni Alyssa Devosora ang opensa ng FEU matapos kumana ng 15 puntos, habang nag-ambag sina Gerzel Petallo at Clarisse Loresco ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa panig ng UP, nanguna si Joan Marie Monares na may walong puntos, habang nagdagdag sina Niña Ytang at Kianne Olango ng tig-anim na puntos. Hindi naman natapos ni star Casiey Dongallo ang laro matapos magtamo ng injury.