LETRAN LUMAPIT SA ELIMS SWEEP
NAPANATILI ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang walang dungis na marka matapos na dispatsahin ang Arellano University Lady Chiefs, 25-14, 24-26, 26-24, 20-25, 15-10, sa NCAA Season 101 women’s volleyball preliminary round kahapon sa San Andres Sports Complex.
Kumarera ang Lady Knights sa ika-12 sunod na panalo upang manatiling nangunguna sa Group B at lumapit sa sweep sa elimination round.
Matindi ang naging labanan sa ika-5 set bago tuluyang nakalamang ang Letran sa mga krusyal na puntos nina Nicen Colendra at Vanessa Sarie. Sinamantala rin ng Lady Knights ang ilang errors ng Arellano upang tuluyang maisara ang laban.
Nanguna si Sarie sa opensa ng Letran sa pagkamada ng 27 puntos mula sa 24 attacks, dalawang blocks at isang ace. Malaki rin ang naiambag niya sa depensa matapos magtala ng 16 digs at 13 receptions.
Umiskor si Yen Martin ng 19 puntos at nagdagdag sinJudiel Nitura ng 18 puntos para sa Lady Knights.
Sa panig ng Arellano, nagbida sina Sam Tiratira na may 16 puntos at Kheisha Abitria na may 15 puntos. Gayunman, bumagsak ang Lady Chiefs sa 5-7 sa Group B.
Samantala, winalis ng University of Perpetual Help Lady Altas ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags, 25-17, 25-16, 25-19.
Umangat ang Lady Altas sa 10-2 habang bumagsak ang Lady Stags sa 5-8 sa Group A.