Overtime

LADY BLAZERS BALIK ANG INIT SA NCAA VOLLEY

28 February 2026

BALIK sa win column ang College of Saint Benilde Lady Blazers matapos walisin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-20, 25-16, 25-19, sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex sa Maynila.

Naging susi sa panalo ang rookie na si Cam Bartolome, na nagtala ng 13 puntos upang tumulong sa dominasyon ng Taft-based volleybelles at tanghaling Player of the Game.

 

Malaki rin ang naging ambag ng tubong Iloilo City na si Bartolome bilang suporta kina veterans Clydel Catarig at Zamantha Nolasco, na nanguna sa Lady Blazers na may tig-16 puntos.

Nagpakitang-gilas din si Shekaina Lleses na nagtala ng pitong puntos, bukod sa mahalagang ambag sa depensa sa pamamagitan ng 11 digs at 11 receptions. Samantala, mahusay namang pinatakbo ni setter Chenae Basarte ang opensiba ng koponan matapos magrehistro ng 19 excellent sets.

Tinapos ng defending champion Lady Blazers ang laban sa loob lamang ng isang oras at 17 minuto, bilang ganti sa kanilang pagkatalo sa unang round kontra Lady Altas, at umangat sa 7-3 rekord sa Group A.

Sa panig ng Perpetual, nagtala si Jem Menor ng 16 puntos, ngunit hindi ito naging sapat upang maipagpatuloy ang kanilang three-game winning streak. Bumaba ang Lady Altas sa 8-2 kartada.

Samantala, nakaiwas sa reverse sweep ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights matapos pataubin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-19, 25-23, 23-25, 25-27, 15-13.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Lady Knights sa kanyang 21 puntos mula sa 20 attacks at isang service ace upang tanghaling Player of the Game at manatiling walang talo sa 10-0. Bumagsak naman ang Lady Generals sa 0-10.