NCAA: PERFECT RECORD NAPANATILI NG LADY KNIGHTS
NAGPATULOY ang mainit na kampanya ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights upang manatiling walang talo sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos ang 26-24, 25-22, 25-17 pagwalis sa San Sebastian College-Recoletos Lady Stags kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinangunahan ni Judiel Nitura ang opensa ng Lady Knights sa kanyang 19 puntos mula sa 16 attacks, dalawang aces, at isang block upang tanghaling Player of the Game at makamit ang kanilang ika-7 sunod na panalo.
Mahigpit ang labanan sa unang dalawang set bago tuluyang nakontrol ng Letran ang laban sa ikatlong set sa pamamagitan ng mas organisadong depensa at tuloy-tuloy na atake.
Samantala, nagpakitang-gilas si rookie Alex Leabres upang tulungan ang Mapúa Lady Cardinals na talunin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa apat na set, 25-23, 17-25, 28-26, 25-23.
Nagtala si Leabres ng 22 puntos, kabilang ang 21 attacks, walong digs, at isang block upang pangunahan ang Mapúa sa krusyal na panalo at tanghaling Player of the Game.
Nagpalitan ng panalo ang dalawang koponan sa unang dalawang set bago naging dikdikan ang ikatlo. Nanaig ang Lady Cardinals sa extended set, 28-26, na nagsilbing turning point ng laban. Sa ikaapat na set, napanatili ng Mapúa ang momentum upang selyuhan ang panalo.