Overtime

LADY RED SPIKERS INAPULA ANG LADY BLAZERS

15 February 2026

NAGING matatag sa huling bahagi ng laban ang San Beda Lady Red Spikers upang igupo ang College of St. Benilde Lady Blazers, 21-25, 25-19, 20-25, 25-18, 15-12, sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Pinutol ng Lady Red Spikers ang apat na sunod na panalo ng Lady Blazers. Umangat sa 7-1 ang San Beda sa Group B at naitala ang ikaapat na sunod na panalo.

Dikit ang laban sa deciding fifth set nang hawakan ng Benilde ang 8-6 bentahe bago kumawala ang San Beda sa isang krusyal na 6-1 ratsada upang maagaw ang 13-9 kalamangan sa pangunguna ni Angel Habacon.

Bahagyang natigil ang momentum ng San Beda dahil sa net fault, at nadagdagan pa ng block ni Cam Bartolome ang puntos ng Benilde upang makalapit sa 13-11. Gayunman, tinuldukan ni Janelle Bachar ang laban sa magkasunod na atake upang maselyuhan ang panalo ng Lady Red Spikers.

Nanguna si Bachar na may 24 puntos, habang nag-ambag si Habacon ng 22 puntos. Pinamunuan naman ni setter Gina Espina ang opensa sa kanyang 24 excellent sets at nagdagdag pa ng isang puntos.

Sa panig ng Benilde, kumamada si Zam Nolasco ng 25 puntos, habang nag-ambag si Clydel Catarig ng 16 puntos mula sa 14 attacks at dalawang blocks. Bumagsak ang Lady Blazers sa 5-2 marka sa Group A.

Sa isa pang laban, nakabawi ang University of Perpetual Help Lady Altas mula sa nakaraang pagkatalo matapos ungusan ang Arellano University Lady Chiefs, 25-14, 24-26, 25-19, 25-22.

Bumawi ang Lady Altas mula sa kabiguan kontra Letran sa likod ng 26 puntos ni Jemalyn Menor, habang nagdagdag si Shai Omipon ng 12 puntos upang itaas ang kanilang rekord sa 6-1 sa Group A.

Nagtala si Crisanta Servidad ng 13 puntos para sa Arellano, habang namahagi si Catherine Domasig ng 17 excellent sets. Bumagsak ang Lady Chiefs sa 2-4 sa Group B.