LADY BLAZERS PINATAOB ANG LADY PIRATES SA NCAA VOLLEY
MAGAAN na dinispatsa ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-18, 25-15, 25-16, upang hilahin ang kanilang winning streak sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Nagbida si Shahanna Lleses sa balanseng opensiba ng Lady Blazers matapos kumamada ng 12 puntos at pitong excellent receptions para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo at umangat sa 5-1 kartada sa Group A.
Malaki rin ang naitulong nina Clydel Catarig at Zam Nolasco na nagtala ng 10 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod. Nag-ambag naman ang kakambal ni Shahanna na si Shekaina Lleses ng anim na puntos at siyam na digs.
Nakadikit pa ang Lady Pirates sa simula ng ikatlong set at naitabla ang laban sa 6-all, ngunit mabilis na nakabawi ang Benilde sa pamamagitan ng sunod-sunod na mahusay na serbisyo at matatag na depensa sa net.
Lumobo ang bentahe ng Lady Blazers sa kalagitnaan ng set sa tulong ng mga puntos mula sa rookie na si Camila Bartolome bago tuluyang tinapos ang laban sa sunod-sunod na matitinding atake.
Pinangunahan ni veteran Johna Dolorito ang Lyceum sa kanyang 11 puntos, pitong digs at siyam na receptions, habang nagdagdag si Ashley Muchillas ng anim na puntos sa pagkatalo. Laglag sila sa 3-4 marka.
Samantala, ipinagpatuloy ng San Beda University Lady Red Spikers ang kanilang mainit na simula sa ilalim ni head coach Emilio “Kung Fu” Reyes matapos talunin ang Mapúa University Lady Cardinals, 26-28, 26-24, 27-25, 25-20.
Nanguna sa lahat ng scorers si Janelle Bachar na may 23 puntos mula sa 18 attacks, apat na service aces at isang block, bukod pa sa 14 digs, upang tanghaling Player of the Game para sa Lady Red Spikers.