WANGKAY WAGI NG BRONZE SA DAKAR YOUTH OLYMPICS
NAGDAGDAG si Pi Durden Wangkay ng isa pang medalya para sa Pilipinas matapos masungkit ang bronze sa men’s 200-meter final ng 2026 Dakar Youth Olympic Games kahapon (oras sa Pilipinas) sa Senegal.
Itinala ni Wangkay ang personal-best na 21.36 segundo upang makopo ang ikatlong puwesto sa dikdikang karera. Nagwagi ng gold at silver sina Ropafadzo Mizondo ng Zimbabwe at Deuquan Farrell ng Guyana.
Bukod sa medalya, nagawang mapabilis ni Wangkay ang sarili niyang Philippine U18 at U20 records na 21.40 segundo, na naitala niya sa PATAFA Weekly Relays sa Pasig City noong Oktubre 25.
Inamin naman ng batang sprinter sa panayam ng POC Media Pool na hindi niya inaasahang makaaakyat siya sa podium, lalo’t dikit ang labanan sa final.
“Never,” sagot ni Wangkay nang tanungin kung inaasahan niyang makakakuha siya ng medalya.
Dagdag pa niya, naging hamon din ang pagsabak mula sa lane nine dahil hindi niya gaanong nakikita ang kanyang mga katunggali habang tumatakbo.
“So, I was running blind. Never po ako naging used to blind pero… I had to do what I do best which is to always move forward,” ani Wangkay.
Ang bronze medal ni Wangkay ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa kompetisyon matapos magwagi ng silver si Naomi Cesar sa women’s 800-meter event kamakalawa.