Overtime

PSC SINUSPINDE ANG FINANCIAL SUPPORT SA PNVF

30 May 2026

SINUSPINDE ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng pinansiyal na suporta nito sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) habang hindi pa nareresolba ang ilang isyung iniharap sa board ng ahensiya.

Batay sa memorandum na inilabas matapos ang isang board meeting, may tatlong pangunahing dahilan sa likod ng naging desisyon ng PSC.

Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, kabilang sa mga pangunahing concern ang umano’y kawalan ng lehitimong partisipasyon ng pambansang koponan sa nalalapit na 2026 AVC Women’s Volleyball Cup sa kabila ng pagtanggap ng pondo mula sa gobyerno.

Naging usapin din ang sitwasyon ng Alas Pilipinas matapos umatras sa national team sina team captain Jia de Guzman, Bella Belen, Shaina Nitura at Angel Canino. Bilang kapalit, bumuo ng bagong player pool na pinangungunahan ni Alyssa Valdez.

Binanggit din ng PSC ang umano’y hindi pagkakaunawaan sa operasyon sa pagitan ng PNVF, PSC at mga local organizing committee sa pagsasagawa ng iba’t ibang torneo at volleyball events.

Ayon pa sa memorandum, naapektuhan  ang kalidad ng pagdaraos ng ilang torneo dahil sa kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng PNVF.

Isa rin sa mga isyung tinukoy ng PSC ang umano’y paglabag ng PNVF sa kontrata nito kaugnay ng logo visibility at branding commitments noong idaos ang Volleyball World Beach Pro Tour sa Nuvali.

Dahil dito, ipinag-utos ng PSC ang pansamantalang pagtigil ng lahat ng suportang may kaugnayan sa PNVF hanggang sa maresolba ang mga nabanggit na usapin, kabilang ang mga may kaugnayan sa AVC at Volleyball Nations League events.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si PNVF President Tony Boy Liao hinggil sa isyu.