PHILLIPS, PASTRANA CPC PLAYERS OF THE YEAR
PARARANGALAN sina De La Salle University standout Mike Phillips at University of Santo Tomas ace Kent Pastrana bilang Men’s at Women’s Basketball Players of the Year sa 2026 Collegiate Press Corps Awards matapos pangunahan ang kani-kanilang koponan sa kampeonato sa UAAP Season 88 basketball tournament.
Pinangunahan ni Phillips ang Green Archers sa kanilang ikalawang kampeonato sa loob ng tatlong season matapos pataubin ang University of the Philippines sa finals.
Nagtala siya ng average na 13.3 puntos at 13.7 rebounds kada laro, dahilan upang tanghaling Finals MVP at higit pang patibayin ang kanyang tsansa sa professional ranks at Gilas Pilipinas.
Samantala, muling ibinalik ni Pastrana ang UST sa tuktok ng UAAP women’s basketball matapos gapiin ang dating kampeong National University sa finals. Itinanghal din siyang Finals MVP matapos magtala ng average na 13.0 puntos, 7.7 rebounds, 5.3 assists, at 3.8 steals kada laro.
Bukod sa Player of the Year honors, pangungunahan din nina Phillips at Pastrana ang Men’s at Women’s Mythical Teams sa taunang parangal.
Makakasama ni Phillips sa Men’s Mythical Team sina Collins Akowe ng UST, Jonathan Manalili ng Colegio de San Juan de Letran, Janti Miller ng San Beda University, at Janrey Pasaol ng Far Eastern University.
Samantala, makakasama naman ni Pastrana sa Women’s Mythical Team sina National University stars Ann Pingol at Tin Cayabyab, Kacey Dela Rosa ng Ateneo de Manila University, at kapwa UST standout na si Brigette Santos.
Kabuuang 26 na collegiate student-athletes ang pararangalan sa 2026 Collegiate Press Corps Awards na gaganapin bukas sa Discovery Suites Manila sa Ortigas, Pasig.
Ang taunang parangal ay inihahandog ng Strong Group Athletics, katuwang ang Converge FiberX, San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Go For Gold, D’ Generals, Buffalo’s Wings ‘N Things, at Discovery Suites Manila bilang official venue partner.