Nation

MAPÚA SINIBAK ANG LYCEUM, PASOK SA Q’FINALS

13 November 2026

MAGAAN na dinispatsa ng Mapúa University Cardinals ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 83-68, upang makausad sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Sinamantala ng Cardinals ang kanilang twice-to-beat advantage bilang fourth seed sa Group A upang tuldukan ang kampanya ng Pirates at manatiling buhay ang kanilang hangaring masungkit ang kampeonato.

Sunod na makakaharap ng Mapúa ang top seed sa Group B na Colegio de San Juan de Letran Knights, na nagtapos sa eliminations na may 9-4 record. Hawak naman ng Knights ang twice-to-beat advantage sa kanilang quarterfinal encounter.

Naging pangunahing sandata ng Cardinals si Ivan Lazarte na nagpasabog ng 25 puntos, kabilang ang perpektong 3-of-3 shooting mula sa three-point area. Nagdagdag din siya ng limang rebounds, dalawang assists at isang steal.

Ayon kay Lazarte, mas mahalaga ang pagsunod sa sistema ni head coach Chito Victolero at pagtutulungan ng koponan kaysa sa kanyang pisikal na kondisyon.

“Hindi ko iniisip na hindi ako hundred percent. Kailangan namin mag buy-in sa sistema ni coach (Chito Victolero) ngayon. ‘Yon ‘yong gusto namin, magbuy-in at manalo,” ani Lazarte. “No time to relax, no time to celebrate, focus agad kami sa next game namin.”

Nag-ambag si Russell Liwanag ng 15 puntos para sa Mapúa, habang may 13 si Cyrus Cuenco at 11 si Jamal Diaz.

Sa panig ng Lyceum, nagtala si Mclaude Guadana ng 15 puntos sa kanyang huling collegiate game. Nagdagdag si Renz Villegas ng 12 puntos, habang nagtapos si Matthew Rubico na may 11 puntos at 9 rebounds.