Overtime

CREAMLINE, PLDT ASAM ANG SEMIS BERTHS SA AVC CHAMPIONS LEAGUE

Mga laro ngayon: (PhilSports Arena) 4 p.m. – Zhetysu VC vs PLDT 7 p.m. – Creamline vs Nakhon Ratchasima

24 April 2025

TATANGKAIN ng Creamline Cool Smashers  at PLDT High Speed Hitters na umusad sa semifinals ng 2025 AVC Women’s Champions League sa magkahiwalay na quarterfinals matches ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Unang sasabak ang High Speed Hitters sa alas-4 ng hapon laban sa Zhetysu Volleyball Club ng Kazakhtan, habang sasagupain ng Cool Smashers ang Nakhon Ratchasima QminC Cat Devil ng Thailand sa alas-7 ng gabi.

Inangkin ng High Speed Hitters ang isang quarterfinals seat kahit pa nalasap nito ang 26-24, 25-20, 20-25, 20-25, 15-9 pagkatalo sa Cat Devil noong Martes matapos na pumangalawa sa kanilang grupo na may 1-1 marka.

“At least parang nakauna na kami ng isang hard game (against Nakhon) dun sa alam namin talagang mas may hihirap pa. Pero, tine-take kami [as] challenge,” ani PLDT head coach Rald Ricafort.

“Tutal, okay naman kami nung last game. So, alam na namin medyo mas naka-gain kami ng experience na makalaro nang ganito. So, hopefully, same lang. Pe-perform, lalaro lang ulit at trabaho lang ulit against Kazakhstan,” dagdag niya.

Sinelyuhan naman ng Cool Smashers ang kanilang puwesto sa quarterfinals round makaraang talunin ng Zhetysu ang Al Naser Club ng Jordan kamakalawa. Tulad ng PLDT ay tumapos din ang Creamline sa 1-1 sa kanilang grupo.

Ang mga mananalong koponan sa dalawang quarterfinals matches ay hahakbang sa semifinals round na gaganapin sa Sabado ng gabi.

Samantala, upang maengganyo pa ang mga volleyball fans na manood ng mga laro sa AVC tournament, nagpasya ang liga na ibaba ang presyo ng kanilang tickets para sa dalawang araw na quarterfinals games.

Ayon sa organizer ng torneo na Sports Vision, ang presyo ng patron ticket ay mabibili na lang sa halagang P1,050, ang lower box sa P550 at ang upper box sa P150.