Region

UNANG FULLY AIRCONDITIONED AT SOLAR-POWERED PUBLIC SCHOOL ITATAYO SA LA UNION

/ 17 May 2026

ITATAYO at magsisilbing bagong pamantayan sa modernong edukasyon sa La Union ang kauna-unahang fully airconditioned at solar-powered public elementary school building  sa Bulbulala Elementary School sa bayan ng Balaoan matapos pormal na isagawa ng LGU ang groundbreaking ceremony para sa proyekto.
Sinabi ni Balaoan Mayor Carlo Castor Concepcion na ang proyekto na 100% na pinondohan ng LGU ng Balaoan ay magkakaroon ng modern classrooms, learning facilities, at backup solar power system upang matiyak ang tuloy-tuloy, komportable, at episyenteng pag-aaral ng mga estudyante kahit sa panahon ng matinding init o power interruption.
Ayon sa alkalde, layunin ng proyekto na mabigyan ang mga mag-aaral ng learning environment na kaantas ng pinakamahuhusay na pasilidad habang isinusulong ang paggamit ng sustainable at environment-friendly na teknolohiya sa mga pampublikong paaralan.
Bahagi rin ito ng patuloy na modernisasyon ng mga imprastraktura sa Balaoan, kabilang ang international-standard solar-powered covered gymnasium at fully airconditioned solar-powered bus stop na parehong nagsisilbing makabagong pasilidad para sa publiko.
Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, patuloy na pinatutunayan ng LGU ng Balaoan ang layunin nitong makapaghatid ng world-class at people-centered public infrastructure para sa bawat Balaoanians.