Region

PILOTO, ESTUDYANTE LIGTAS SA PLANE CRASH

ISANG flight instructor at isang student pilot ang nakaligtas sa bumagsak na Cessna trainer plane sa Mati, Davao Oriental nitong Lunes ng umaga.

/ 9 March 2022

ISANG flight instructor at isang student pilot ang nakaligtas sa bumagsak na Cessna trainer plane sa Mati, Davao Oriental nitong Lunes ng umaga.

Isinugod at inoobserbahan sa Davao Oriental Provincial Medical Center sina Capt. Manuel Nierra IIi at Jeremiah Casamura Agonia na kapwa nagtamo ng kaunting pinsala lamang sa katawan.

Nabatid na nasa training flight ang eroplano mula Davao City patungong Mati nang maganap ang aksidente sa Barangay Dahican dakong alas-7 ng umaga.  Pag-aari ang eroplano ng Mactan Aviation Tech Center.

Ayon sa ulat, kalilipad lamang ng eroplano sa Mati Airport nang sumalpok ito sa isang puno ng mangga.

Agad na nakaresponde ang mga tauhan ng Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office sa crash site dakong alas-7:45 ng umaga.

Pinamamahalaan umano ng SECDEA Aviation Flight School ang lugar kung saan bumagsak ang eroplano.

Iniimbestigahan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang insidente.