ISKUL SA ABRA NA GAGAMITING VOTING CENTER NASUNOG
ISANG eskuwelahan sa Bangued, Abra na gagamiting voting center ang nasunog kahapon ng madaling araw.
Batay sa inisyal na ulat mula sa Commission on Elections, nilamon ng apoy ang Dangdangla Elementary School na matatagpuan sa naturang bayan.
Gayunman, nilinaw ng Comelec na hindi nila ililipat ang venue ng botohan kahit na nasunog ang eskuwelahan.
Gagawa anila sila ng isang makeshift polling place sa eskwelahan para matuloy ang botohan.
Nilinaw rin ng Comelec na hindi pa naide-deliver ang automated counting machines sa lugar kaya pansamantalang kanselado ang final testing at sealing sa lugar.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na resulta ng imbestigasyon mula sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Abra kaugnay sa pinagmulan ng sunog.