41 FRESH GRADS TANGGAP AGAD SA INDEPENDENCE DAY JOB FAIR
AABOT sa 41 fresh graduates ang agad na natanggap sa trabaho sa “Trabaho Agad” job fair na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa SM City Laoag, Ilocos Norte bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan.
Lumahok sa job fair ang 25 lokal na employer at dalawang overseas employer na nag-alok ng kabuuang 1,929 bakanteng posisyon, kung saan karamihan sa mga aplikante ay mga bagong nagtapos sa kolehiyo.
Sa halos 500 job seekers na lumahok, 41 ang agad na na-hire sa mismong araw ng aktibidad.
Bukod sa job matching, nagsilbi rin ang job fair bilang one-stop shop para sa pagproseso ng mga pre-employment requirements sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang DSWD, TESDA, NBI, SSS, Pag-IBIG Fund, at Civil Service Commission.
Ayon sa DOLE-Ilocos Norte, patuloy nilang mino-monitor ang mga bagong natanggap na empleyado upang matiyak ang mabilis na pagproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento at iba pang employment requirements.
Ang programa ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapalawak ang mga oportunidad sa trabaho at mailapit ang mga serbisyo sa paghahanapbuhay sa mga komunidad.