SEGURIDAD NG MGA GURO, MAGULANG NA TUTUNGO SA PAARALAN TINIYAK NG PNP
TINIYAK ng Philippine National Police na nakaalalay sila sa mga guro, school personnel at mga magulang na tutungo sa paaralan para sa pagsisimula ng klase ngayong araw, Oktubre 5.
Ayon kay PNP Chief, Gen. Camilo Pancratius Cascolan, bagaman hindi naman daragsa ang mga guro at estudyante sa mga paaralan ngayong araw dahil distance learning at online class ang pamamaraan ng pag-aaral, inaasahan pa rin na may mga magtutungo sa mga paaralan.
Sinabi ng heneral na may mga guro pa rin na posibleng magtungo sa paaralan para sa kanilang ipamamahaging learning modules o maaaring naroon ang kanilang kagamitan sa pagtuturo.
Maging ang staff ng school ay inaasahan ding pupunta sa paaralan subalit limitado lamang ang bilang habang may mga magulang din na asahang kukuha ng module para sa kanilang mga anak.
Kaya naman para matiyak ang kaligtasan ng mga ito, ayon kay Cascolan, ay kanilang pinaigting ang police visibility habang mayroon ding assistance centers sa mga istratehikong lugar o mga paaralan.
“Expect natin na may dagdag ng volume na magtutungo sa mga paaralan kahit pa distance learning dahil tiyak na may kailangan silang kunin, kaya naman kami sa PNP ay nais naming matiyak ang kaligtasan ng ating mga guro at iba pa,” ayon kay Cascolan.
Paglilinaw naman ni Cascolan, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa ay handa ang nasa 210,000 pulisya para sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante.
Sinabi naman ni PNP Spokesman, Col. Ysmael Yu na handa ang mga pulis na umasiste sa publiko sakaling may mangyaring untoward incidents.