PNPA CADET PATAY SA HEATSTROKE
ISANG bagong kadete ng Philippine National Police Academy ang nasawi matapos umanong himatayin habang nanananghalian kamakalawa sa Camp Castaneda, Silang, Cavite.
Ang biktima na si Ryan Lucena mula sa Peñablanca, Cagayan ay nasawi nitong Mayo 7.
Ayon sa ulat ng PNPA, unang dinala sa Academy Health Service ang biktima.
Una umano siyang na-diagnose ng heatstroke kaya mabilis nilapatan ng paunang lunas bago dinala sa PNP General Hospital.
Namalagi si Lucena sa Intensive Care Unit (ICU) kung saan natukoy sa pagsusuri ng mga doktor na lumala ang kondisyon nito at nagdulot ng Cardiogenic Shock, Intractable Hyperkalemia, Acute Kidney Injury, at Rhabdomyolysis Nephropathy.
Inatasan na ng PNPA ang mga opisyal nito kaugnay sa pagsasaayos sa burol ng namayapang kadete kasama na ang pagsagot ng akademya sa lahat ng hospital bills nito habang ipinag-utos din sa tanggapan ng Police Regional Office 2 ang pagbibigay ng nararapat na pagkilala at parangal para sa biktima.