Nation

FRANCHISE RENEWAL NG UP SYSTEM LUSOT NA SA KAMARA

/ 24 September 2020

APRUB na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa panibagong 25 taong prangkisa ng University of the Philippines para sa kanilang broadcast stations.

Sa botong 211 pabor at walang kontra, inaprubahan sa third and final reading ang House Bill 7616 bilang substitution bill sa House Bills 6346, 6679, 7175 at 7414.

Ito ay para sa pagbibigay ng panibagong 25 taong prangkisa sa UP System para sa konstruksiyon, pagmamantina at operasyon ng radio at television broadcasting stations sa loob ng UP at sa ibang lugar na sakop nito.

Pangunahing may-akda sa panukala sina Representatives Mark Go, Pablo John Garcia, Ann Hofer, Alfred Vargas, Eduardo ‘Bro Eddie’ Villanueva, Domingo Rivera at Franz Alvarez.

Kabilang sa mga istasyon ang DZUP na opisyal na AM radio station ng UP na sinimulan ang operasyon noong Disyembre 2, 1958 at nagsisilbing training ground sa mga estudyante ng mass communication sa unibersidad.

Maririnig ang DZUP sa Metro Manila hanggang sa Cavite at Laguna, gayundin sa Bulacan at Pampanga sa pamamagitan ng 1602 kHz.

Nagsisilbi rin ang istasyon bilang community radio station ng UP Diliman campus na pundasyon ng freedom of expression at academic freedom sa UP.

Isusumite naman sa Senado ang inaprubahang panukala para talakayin ng Senate Committee on Public Services at saka ipapasa sa Pangulo para lagdaan.