AGOSTO 12 IPINADEDEKLARANG NATIONAL YOUTH DAY
BILANG pagpapahalaga sa papel ng kabataan sa kaunlaran ng bansa, nais ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na maideklara ang Agosto 12 bilang National Youth Day at magkaroon ng taunang selebrasyon para rito.
Sa kanyang Senate Bill 1587, ipinaliwanag ni Revilla na alinsunod sa Konstitusyon ay mandato ng estado na kilalanin ang mahalagang papel ng kabataan sa nation building.
Bukod dito, tungkulin din umano ng estado na protektahan ang physical, moral, spiritual, intellectual at social well-being ng kabataan para maiukit sa kanila ang pagiging makabayan bukod sa paghikayat sa kanila na makiisa sa public and civic affairs.
Sa tala ng gobyerno ay nasa 30 milyon ang tinawag na ‘young people’ na may edad 10 hanggang 24 kaya itinuturing ang Filipinas bilang isa sa youngest population sa Asia Pacific region.
Alinsunod sa panukala ni Revilla, ipagdiriwang ang National Youth Day sa mga educational institution sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad para sa kabataan ‘tulad ng empowerment seminars, leadership trainings at iba pang kahalintulad na gawain.
Kailangan ding bigyang tugon ang mga pangangailangan ng kabataan, partikular sa de-kalidad na edukasyon, proteksyon laban sa pag-abuso, cybercrime bullying, illegal drug use at teenage pregnancy.
Nakasaad sa panukala na ang may pangunahing mandato sa mga aktibidad na ito ay ang National Youth Commission katuwang ang Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority.