LA CONSOLACION COLLEGE SA MAYNILA NASUNOG
ISANG sunog ang sumiklab sa La Consolacion College sa Mendiola, Manila Miyerkoles ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Manila, nagsimula ang sunog dakong alas-9:30 ng umaga sa staff room sa ikalawang palapag ng paaralan.
Tumagal lamang ng halos 30 minuto ang sunog, ayon kay BFP Manila Investigation and Intelligence Section Chief, Fire Sr. Insp. Alejandro Ramos.
Isang staff na stay-in sa naturang silid ang iniulat na sugatan matapos umanong mahulog sa hagdan.
Walang alarma na itinaas sa sunog na naapula bandang alas-9:54 ng umaga.
Balik naman na ang klase ng mga estudyante na lumikas bilang pag-iingat sa sunog, ayon kay Ramos.
Tuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog na nagdulot ng tinatayang P144,000 na halaga ng pagkasira sa ari-arian.