Overtime

NU, UST, FEU SA SSL UNITY CUP S’FINALS

16 November 2026

PORMAL nang nakapasok sa semifinals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup ang defending champion National University,  University of Santo Tomas, at Far Eastern University matapos manaig sa kani-kanilang quarterfinal matches sa Muntinlupa Sports Center.

Pinangunahan ni Arah Panique ang Lady Bulldogs sa pagsibak sa Letran Lady Knights, 25-18, 25-15, 23-25, 25-19, upang mapanatili ang malinis na rekord ng koponan sa walong laro at manatiling nasa landas para sa ika-5 sunod na kampeonato.

Kumamada si Panique ng 15 puntos mula sa 11 attacks, dalawang service aces at dalawang blocks para pangunahan ang NU sa pagkuha ng puwesto sa Final Four.

“Nothing to lose na ang Letran so ang mindset namin is to ibigay ang best namin, kasi may pinanghahawakan pa kaming title,” ani Panique.

Nagdagdag sina Evangeline Alinsug at Chams Maaya ng tig-siyam na puntos para sa Lady Bulldogs, habang may tig-pitong puntos sina Samantha Cantada at Denesse Daylisan

Nanguna naman si Judiel Nitura sa Letran sa kanyang 15 puntos, pawang mula sa attacks, habang nagtala si Maquilang ng 12.

Hindi rin nagpahuli ang UST Golden Tigresses matapos dominahin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-17, 25-15, 25-13, upang makasiguro ng puwesto sa semifinals at maisaayos ang duelo kontra FEU.

Nanguna si Regina Jurado sa UST sa naitalang 14 puntos mula sa 13 attacks at isang block, habang nag-ambag si Angge Poyos ng 10 puntos.

Nagtala naman sina Arriana Pua at Camila Bartolome ng tig-10 puntos para sa Benilde.

Samantala, nakabangon ang FEU Lady Tamaraws mula sa pagkatalo sa ikalawang set upang patalsikin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-18, 19-25, 25-15, 25-13.

Nanguna si Cla Loresco sa Lady Tamaraws sa kanyang 15 puntos mula sa 10 attacks, apat na blocks at isang ace. Nag-ambag si Kyle Pendon ng 12 puntos, kabilang ang 11 attacks, habang may tig-10 puntos sina Gerzel Petallo at Lovely Lopez.