BACK-TO-BACK WINS SA TIGERS
MAGAAN na dinispatsa ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang University of the East Red Warriors, 97-70, upang maiposte ang ikalawang sunod na panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pinatatag ng UST ang kanilang kampanya para sa Final Four matapos umangat sa 6-6 kartada kasunod ng magkasunod na panalo. Nanguna si Amiel Acido sa ratsada ng Tigers matapos magtala ng 22 puntos, kabilang ang tatlong three-pointers, 6 rebounds, 5 assists at 3 steals.
Naghatid din si Peter Osang ng impresibong double-double na 19 puntos at 10 rebounds, bukod pa sa 5 blocks at 2 assists.
Nag-ambag naman si Landyn Jumawan ng 16 puntos, habang nagtala sina Mark Llemit at Koji Buenaflor ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Agad na ipinakita ng UST ang kanilang intensiyon matapos magpasabog ng 35 puntos sa first quarter upang makalamang ng 16, 35-19.
Napanatili ito ng Tigers sa second quarter para sa 58-41 abante sa halftime.
Lalo pang inilayo ng UST ang agwat sa third quarter matapos dominahin ang UE, 24-15, bago tuluyang kinontrol ang laro hanggang sa pinakamalaki nilang 31 puntos na bentahe, 95-64, matapos ang three-pointer ni Jiro Sevilla.
Nagsumite si Toper Lagat ng 22 puntos para sa Red Warriors, habang nagdagdag si Drew Jimenez ng 10. Bumagsak ang UE sa 1-11 kartada.