3-GAME LOSING STREAK PINUTOL NG ATENEO
NALUSUTAN ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang matinding paghahabol ng Far Eastern University Tamaraws upang maitakas ang 75-72 panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Blue Eagle Gym.
Tila kontrolado na ng Blue Eagles ang laro nang umabot sa 73-62 ang kanilang kalamangan, wala nang dalawang minuto ang nalalabi. Ngunit hindi sumuko ang FEU at bumira ng 10-0 run sa pangunguna nina Jedric Daa, Jorick Bautista at Mo Konateh upang idikit ang iskor sa 72-73.
Sa krusyal na sandali, nagpakita ng katatagan si rookie Kieffer Alas matapos isalpak ang dalawang free throws para palakihin sa 75-72 ang bentahe ng Ateneo, may tatlong segundo sa orasan.
Nagkaroon pa ng huling pagkakataon ang Tamaraws na maitabla ang laban, ngunit sumablay ang huling tira ni Janrey Pasaol.
Nanguna si Alas para sa Ateneo sa naiskor na 21 puntos, habang nagdagdag sina Jared Bahay ng 15 puntos at Sultan Baruwa ng 13 puntos at 12 rebounds.
Dahil sa panalo, nakabawi ang Ateneo sa 93-70 pagkatalo nito sa FEU sa unang round at naputol ang tatlong sunod na kabiguan. Umangat sa 4-4 kartada ang Blue Eagles.
Lalong sumikip ang labanan para sa Final Four dahil magkakapantay na ngayon sa ikaapat hanggang ika-pitong puwesto ang Ateneo, FEU, De La Salle University at University of Santo Tomas.
Para sa Tamaraws, ikatlong sunod na pagkatalo ito matapos ang magandang 4-1 simula sa torneo. Bumagsak din sa 4-4 ang kanilang rekord.
Pinangunahan ni Bautista ang FEU na may 18 puntos, habang may 12 si Konateh. Nag-ambag naman sina Kirby Mongcopa at Cabs Cabonillas ng tig-11 puntos.