RED LIONS NILAPA ANG GENERALS
NALUSUTAN ng San Beda University Red Lions ang matinding paghahabol ng Emilio Aguinaldo College Generals upang maitakas ang 89-86 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Umangat sa 6-3 kartada ang nagdedepensang Red Lions sa Group A, habang bumagsak naman sa 3-6 ang Generals sa Group B.
Umabante ang Red Lions sa 85-74, kasunod ng three-point shot ni Aldous Torculas sa huling 7:02 minuto ng laro. Gayunman, sumagot ang Generals sa pamamagitan ng 12-0 run na nagtapos sa basket ni Joseph Nunag para maagaw ang kalamangan, 86-85.
Nagbago ang takbo ng laro sa mga huling segundo nang ma-foul ni EJ Castillo ng EAC si RC Calimag. Naisalpak ni Calimag ang lahat ng apat na free throws — dalawa mula sa transition take foul at dalawa pa sa sumunod na opensa—upang ibalik sa San Beda ang kalamangan, 89-86, may 4.3 segundo pa ang nalalabi.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang EAC na itabla ang iskor, ngunit sumablay ang three-point attempt ni MJ Raymundo sa huling busina.
Nanguna si Torculas para sa San Beda sa naitalang 19 puntos, pitong rebounds, apat na assists at dalawang steals.
Ayon sa kanya, hinimok sila ni coach Yuri Escueta na magpakita ng higit na tapang at agresibong laro sa second half.
“Sabi ni coach Yuri (Escueta), we were too soft. Kailangan namin ng konting tapang at konting diin pa sa second half,” ani Torculas.
“I have to give it to RC, he showed his willingness to win, ayaw magpatalo. I have to give him the credit,” dagdag niya.
Nag-ambag si JC Bonzalida ng 12 puntos at walong rebounds, habang may 11 puntos din si Jimmy Reyes para sa Red Lions.
Sa panig ng EAC, nanguna si Castillo na may 19 puntos. Nagtala naman si Raymundo ng 17 puntos at walong rebounds, habang may 12 puntos si Nunag.