EALA SASABAK SA 3 EVENTS SA US OPEN
HANDA na ang abalang iskedyul ni Filipina tennis star Alexandra Eala sa 2026 US Open, kung saan nakatakda siyang sumabak sa mixed doubles, exhibition event at women’s singles sa New York.
Magsisimula ang kampanya ng 21-anyos na Pinay sa mixed doubles kasama si world No. 4 Felix Auger-Aliassime. Una nilang makakaharap ang mag/asawang Gael Monfils at Elina Svitolina sa opening round.
Kabilang din sa tampok na tambalan sa mixed doubles sina Serena Williams at Carlos Alcaraz, Leylah Fernandez at Frances Tiafoe, Aryna Sabalenka at Novak Djokovic, gayundin sina Elena Rybakina at Taylor Fritz.
Pagkatapos nito, sasabak si Eala sa Stars of the Open exhibition event sa Agosto 27.
Makakasama niya rito ang kaibigang si Iva Jovic at iba pang batang tennis stars na sina Learner Tien at Joao Fonseca. Kasali rin sa exhibition sina Amanda Anisimova, Arthur Fils, Alex Michelsen at Marta Kostyuk.
Bahagi ng malilikom na ticket sales sa exhibition ay mapupunta sa USTA Foundation.
Gayunman, ang pinakamahalagang bahagi ng kanyang kampanya ay ang women’s singles event.
Kasalukuyang No. 20 sa mundo si Eala at inaasahang kabilang sa mga seeded players sa main draw. Ilalabas ang singles draw sa Agosto 27, kung kailan malalaman ng Pinay ang kanyang unang makakasagupa.
Mahalaga ang US Open sa karera ni Eala. Noong 2022, nasungkit niya ang junior girls’ singles title sa torneo.
Papasok si Eala sa US Open matapos ang isang breakout season na kinabibilangan ng kanyang unang WTA Tour singles title sa Mubadala DC Open at WTA 125 championship sa Birmingham.
Umabot din siya sa Round of 16 sa Canadian Open at sa Wimbledon, habang nakapasok sa semifinals ng Berlin Tennis Open.
Sa Cincinnati Open, umabot si Eala sa third round bago yumuko kay American Amanda Anisimova sa tatlong sets.
Sa tatlong magkakaibang events na kanyang lalahukan sa New York, muling magiging abala ang kampanya ni Eala habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang pag-angat sa WTA Tour.