GILAS MEN ALL-FILIPINO LINEUP SA FIBA WCAQ WINDOW 4
ALL-FILIPINO lineup na Gilas Pilipinas ang didribol sa ikaapat na window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers matapos makumpirmang hindi makakalaro sina Justin Brownlee at Bennie Boatwright.
Hindi pa rin handang sumabak si Brownlee dahil sa kanyang mga iniindang injury, habang hindi naman nakumpleto ni Boatwright ang proseso ng kanyang naturalization.
Kinumpirma ni Gilas head coach Tim Cone na hindi makakasama si Brownlee sa mga laban kontra Jordan at Iran sa Agosto 28 at 30 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Well, he at this point doesn’t feel like he’s really healthy enough to contribute. And whether that’s really injury or health, he was having some issues,” pahayag ni Cone sa isang press conference kahapon.
“Obviously, as we know from the last window, he wasn’t able to play against Australia,” dagdag niya.
Sinabi ni Cone na umaasa ang coaching staff na maaayos ang kondisyon ni Brownlee bago ang mga laro, ngunit ipinaalam ng naturalized Filipino na hindi pa rin maayos ang kanyang kondisyon para makapaglaro.
“We were hoping that those issues would be resolved by the time we played here. But as it turned out, he’s telling us that he’s just not healthy enough,” ani Cone.
Kasalukuyang nagpapagaling si Brownlee sa San Diego, California dahil sa mga problema sa kanyang ankle at hamstring.
Samantala, nananatiling hindi available si Boatwright matapos hindi makumpleto ang kanyang naturalization process. Hindi pa rin siya nagtataglay ng Philippine passport dahil wala pa ang pinal na pag-apruba sa kanyang naturalization mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“In the meantime, we couldn’t get Benny Boatwright, his papers not yet done,” ani Cone. “He still doesn’t have his passport. He hasn’t had his final approval yet. So, we haven’t been able to get that done.”
Nakarating na sa Malacañang ang naturalization measure ni Boatwright, ngunit walang naging aksiyon dito na nagresulta sa pagkaantala ng proseso.
Hindi rin magagamit ng Gilas si Angelo Kouame bilang isa pang naturalized option dahil kasalukuyan itong may kontrata sa France.
“And then, our other naturalized player that we would have brought, Ange Kouame, he is in France under contract. So, we’re going to be attending this window all Filipino,” ani Cone.
Makakaharap ng Gilas ang Jordan sa Agosto 28 bago ang laban kontra Iran makalipas ang dalawang araw. May 2-4 kartada ang Pilipinas sa second round matapos ang apat na sunod na pagkatalo.
Batid ni Cone ang bigat ng sitwasyon ng Gilas sa qualifying campaign.
“The margin of error has really dissipated for us,” sabi ni Cone.
Pangungunahan nina Kai Sotto, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, AJ Edu at iba pang miyembro ng Gilas pool ang koponan sa pagsisikap nitong buhayin ang tsansa ng Pilipinas na makapasok sa 2027 FIBA World Cup.