Overtime

GAMBER GARAHE MUNA PARA SA ATENEO SA UAAP SEASON 89

25 August 2026

HINDI maglalaro si Ateneo de Manila University guard Kyle Gamber sa UAAP Season 89 dahil sa personal na dahilan.

Kinumpirma ni Gamber ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng Instagram story matapos ang mga tanong tungkol sa kanyang availability para sa paparating na season.

“Yes, I am sitting out this season for personal reasons,” ani Gamber. “I love the team, especially all the guys. Let’s not push any false narratives. Thank you.”

Mula Season 86 ay bahagi na si Gamber ng Ateneo Blue Eagles at ngayon lamang siya hindi makakasama sa koponan sa isang buong season.

Dumating ang kanyang desisyon ilang buwan matapos pumanaw ang kanyang mga kasamahan na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity noong Hunyo.

Kamakailan lamang ay bumalik sa aksiyon ang Blue Eagles sa Pinoyliga Cup – The Big Dance, kung saan tinalo nila ang College of Saint Benilde Blazers, 81-78, para makaabot sa quarterfinals round.

Magsisimula ang Ateneo sa UAAP Season 89 na wala si Gamber habang nagpapatuloy ang koponan sa pagbangon mula sa mga pangyayaring nakaapekto sa kanilang programa nitong offseason.