Overtime

GILAS WOMEN ‘DI NAKAPORMA SA CANADA

21 August 2026

ISANG mabigat na kabiguan ang nalasap ng Gilas Pilipinas Women matapos tambakan ng Canada, 85-38, sa FIBA Pre-Olympic Qualifying Tournament kahapon sa Guadalajara, Mexico.

Agad na kinuha ng seventh-ranked Canada ang kontrol sa laro at nilimitahan ang Pilipinas sa apat na puntos lamang sa first quarter para itarak ang 23-4 na kalamangan.

Hindi na nakabangon ang Gilas Women mula sa mabagal na simula habang patuloy na pinahirapan ng Canada ang opensa ng Pilipinas at lalo pang pinalaki ang agwat hanggang sa pagtunog ng buzzer.

Nanguna si Jack Animam para sa Gilas Women na may 11 puntos, walong rebounds at apat na assists. Nagtala naman si Vanessa De Jesus ng siyam na puntos at limang rebounds, ngunit gumawa ng pitong turnovers.

May walong puntos at limang rebounds si Kacey dela Rosa, ngunit hindi naging epektibo sa opensa matapos na kumonekta ng tatlo lamang sa kanyang 12 tira.

Dominado rin ng Canada ang rebounding battle, 63-26, kabilang ang 26 offensive rebounds na nagbunga ng 21 second-chance points. Nakapuwersa rin ang mga Canadian ng 23 turnovers at nakakuha ng 26 puntos mula sa mga pagkakamali ng Pilipinas.

Nanguna si Syla Swords sa Canada na may 15 puntos, habang nagdagdag si Jasmine Bascoe ng 10 puntos, apat na assists at tatlong rebounds. Tig-siyam na puntos naman ang ambag nina Cearah Parchment, Shaina Pellington at Agot Makeer.

Umakyat sa 2-0 ang Canada at nakasiguro na ng puwesto sa semifinals, habang bumagsak ang Gilas Women sa 0-2.

Haharapin ng Pilipinas ang Senegal sa kanilang huling laro sa group stage ngayong umaga (oras sa Pilipinas).