EALA SIBAK NA SA CINCINNATI OPEN
NAGTAPOS na ang kampanya ni Filipina tennis star Alexandra Eala sa Cincinnati Open matapos siyang pataubin ni American Amanda Anisimova, 4-6, 6-4, 6-2, sa third round Lunes ng gabi (Martes sa Pilipinas) sa Mason, Ohio.
Maganda ang naging simula ng No. 17 seed na si Eala matapos kunin ang unang set, ngunit unti-unting nakabawi ang No. 9 seed na si Anisimova hanggang tuluyang maagaw ang kontrol sa laban at makumpleto ang comeback.
Nakapag-convert si Eala ng tatlo sa kanyang pitong break-point opportunities, habang limang beses namang nakakuha ng break si Anisimova mula sa 17 pagkakataon.
Nangibabaw rin ang Amerikana sa kabuuang puntos na napanalunan, 110-99, at sa games, 16-12.
Mas naging epektibo si Anisimova sa kanyang serve matapos manalo sa 64 porsiyento ng points sa kanyang first at second serve. Samantala, nakakuha si Eala ng 58 porsiyento sa kanyang first serve at 54 porsiyento sa second serve.
Parehong nagtala ng pitong double faults ang dalawang manlalaro, habang may tatlong aces si Anisimova. Hindi naman nakapagtala ng ace si Eala.
Sa kabila ng pagkatalo, nagkaroon pa rin si Eala ng magandang kampanya sa Cincinnati, isa sa mga WTA 1000 event sa kalendaryo.
Pumasok siya sa torneo matapos makuha ang kanyang unang WTA Tour singles title sa Mubadala DC Open at umabot sa Round of 16 ng National Bank Open sa Toronto.
Sa Cincinnati rin umakyat si Eala sa career-best No. 18 sa WTA live rankings bago siya natalo kay Anisimova.
Matapos ang Cincinnati, pagtutuunan ng 21-anyos na Pinay ang US Open habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang breakthrough season at ang paghahangad na makapasok sa WTA Top 10.