2 ESTUDYANTE NABAWIAN NG ARMAS
PINURI ng Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang mga tauhan ng pulisya sa Aparri, Cagayan para sa kanilang mabilis na pagtugon na nagresulta sa pagkakabawi ng isang patalim at isang rebolber mula sa dalawang estudyante sa loob ng isang paaralan noong Biyernes, Hunyo 26.
Ayon kay PGEN Nartatez, ang maagang pagkilos ay nakahadlang sa isang potensiyal na banta sa seguridad at nagpatibay sa mga patuloy na pagsisikap na panatilihing ligtas ang mga paaralan para sa mga mag-aaral.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa paggabay ni DILG Secretary Jonvic Remulla, na palakasin ang kaligtasan ng publiko at ang mga hakbang sa seguridad sa mga campus sa gitna ng sunod-sunod na karahasan sa paaralan.
Narekober ng mga tauhan ng Cagayan Provincial Mobile Force Company ang mga armas habang isinasagawa ang inspeksiyon sa mga backpack ng mga estudyante sa harap ng punong-guro ng paaralan.
Ang mga narekober na kagamitan ay natagpuan sa pag-iingat ng isang 14-taong-gulang na estudyante sa Grade 8 at isang 15-taong-gulang na estudyante sa Grade 10.
Nauna nang humingi ng tulong sa pulisya ang punong-guro ng paaralan dahil sa hinalang may pinaplano ang mga estudyante matapos nilang mag-cutting classes. Nakarating ang impormasyon sa punong-guro kung saan nalaman din na may kinikimkim silang galit laban sa kanilang mga kamag-aral.
“I commend our personnel for their quick response and the school authorities for their alertness and for exercise of good judgment. This is proof of what proper coordination and cooperation can achieve to ensure the safety of school zones and the welfare of our learners,” ani PGEN Nartatez.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Education, pinaigting ng PNP ang mga pagsisikap sa seguridad sa mga institusyong pang-edukasyon kasunod ng naganap na pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City kamakailan.
Inatasan na ang mga unit ng pulisya sa buong bansa na manatiling alerto sa mga posibleng banta at makipagtulungang mabuti sa mga opisyal ng paaralan upang maiwasan ang mga insidente na maaaring maglagay sa panganib sa mga estudyante at guro.
Inatasan din ni PGEN Nartatez ang mga kinauukulang unit ng pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon para malaman kung bakit tinangka ng mga estudyante na magpasok ng mga armas sa loob ng paaralan.
Samantala, sinabi niya na patuloy ang mahigpit na pakikipagtulungan ng PNP sa mga opisyal ng paaralan para matiyak na ang bawat mag-aaral ay makapag-aaral sa isang ligtas at payapang kapaligiran.
Hinimok din ni PGEN Nartatez ang mga magulang na tutukang mabuti ang mga gawain ng kanilang mga anak at makipagtulungan sa mga paaralan at pulisya sa pagtataguyod ng kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.