Overtime

CANINO, 3 PA CPC VOLLEYBALL PLAYERS OF THE YEAR

27 June 2026

TATANGGAPIN nina Angel Canino ng De La Salle University, Leo Ordiales ng National University, Lara Silva ng Colegio de San Juan de Letran, at Reymark Betco ng College of Saint Benilde ang pinakamataas na parangal sa collegiate volleyball sa 2026 Collegiate Press Corps Awards Night na gaganapin sa Hunyo 29 sa Discovery Suites Manila sa Pasig City.

Pararangalan sina Canino at Ordiales bilang UAAP Volleyball Players of the Year matapos pamunuan ang kani-kanilang koponan sa kampeonato ng UAAP Season 88, habang sina Silva at Betco naman ang tatanghaling NCAA Volleyball Players of the Year dahil sa kanilang natatanging kampanya sa NCAA Season 101.

Pinangunahan ni Canino ang pagbabalik ng La Salle sa trono matapos magtala ang Lady Spikers ng malinis na 16-0 rekord at masungkit ang ika-13 kampeonato ng paaralan sa UAAP women’s volleyball.

Nagtala siya ng 17 puntos, siyam na digs at limang excellent receptions sa Game 1 ng Finals, bago ito sinundan ng 11 puntos, 10 digs at 10 excellent receptions sa Game 2 upang tuluyang makumpleto ang championship sweep laban sa National University. Malaki rin ang naging ambag niya sa koponan sa unang bahagi ng season habang wala pa si Finals MVP Shevana Laput.

Muli namang naging sandigan si Ordiales ng Bulldogs sa men’s Finals matapos umiskor ng 22 puntos sa limang set na panalo kontra Far Eastern University sa Game 1 at magdagdag ng 24 puntos sa Game 2.

Dahil dito, nasungkit niya ang Finals MVP habang iginiya ang NU sa ikaanim na sunod na kampeonato at ika-pitong titulo sa kasaysayan ng UAAP men’s volleyball.

Sa NCAA, naging susi rin sina Silva at Betco sa pagtatapos ng matagal na paghihintay ng kani-kanilang mga paaralan sa kampeonato.

Pinamunuan ni Silva ang depensa ng Letran sa women’s Finals laban sa Benilde. Ang tatlong beses na NCAA Best Libero ay nagtala ng 37 digs sa limang set na panalo sa Game 1, sinundan ng 24 digs at pitong excellent receptions sa Game 2, bago nagtapos na may 33 digs sa deciding Game 3 upang ihatid ang Letran sa una nitong NCAA women’s volleyball championship sa loob ng 28 taon at ika-9 sa kabuuan.

Samantala, pinangunahan ni Betco ang Benilde sa men’s Finals kontra Mapua. Nagtala siya ng 26 puntos at siyam na digs sa Game 1, kumamada ng 33 puntos sa panalo sa Game 2, at nag-ambag ng 17 puntos at anim na digs sa straight-set na panalo sa winner-take-all Game 3.

Dahil dito, kinilala rin siyang Finals MVP matapos wakasan ng Blazers ang siyam na taong paghihintay sa kampeonato at masungkit ang ikalawang NCAA men’s volleyball title.

Ang 2026 Collegiate Press Corps Awards Night ay inihahandog ng Strong Group Athletics, katuwang ang Converge FiberX, San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Go For Gold, D’ Generals, at Buffalo’s Wings ‘N Things.