SAN BEDA NASA ‘GROUP OF DEATH’ SA NCAA SEASON 102
MAHAHARAP agad sa mabigat na hamon ang defending champion San Beda University Red Lions matapos mapabilang sa itinuturing na “group of death” ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament.
Sa isinagawang opisyal na draw ng liga,l napabilang ang Red Lions sa Group A kasama ang College of Saint Benilde Blazers, Jose Rizal University Heavy Bombers, Mapúa University Cardinals, at Lyceum of the Philippines Pirates.
Itinuturing na isa sa pinakamalalakas na grupo ang Group A dahil sa presensiya ng ilang koponang inaasahang magiging pangunahing contenders sa kampeonato ngayong season.
Sa Group B, bibida ang NCAA runner-up Colegio de San Juan de Letran Knights kasama ang University of Perpetual Help System Altas, San Sebastian College-Recoletos Golden Stags, Arellano University Chiefs, at Emilio Aguinaldo College Generals.
Sa bagong format ng torneo, maglalaro ang bawat koponan ng kabuuang 13 laro sa elimination round. Isasagawa ang mga laro laban sa mga ka-grupo sa unang bahagi at huling bahagi ng eliminations, habang ang crossover matches laban sa kabilang grupo ay gaganapin sa gitna ng iskedyul.
Ang dalawang nangungunang koponan sa bawat grupo ay awtomatikong uusad sa quarterfinals at magkakaroon ng twice-to-beat incentive. Samantala, ang iba pang koponan ay maglalaban sa play-in round para sa natitirang puwesto sa susunod na yugto.
Gagamitin naman ang best-of-three format sa semifinals at finals. Ang NCAA Season 102, na iho-host ng San Beda University, ay nakatakdang magbukas sa Setyembre.