ROBINSON, ESCUETA, ONG COLLEGIATE COACHES OF THE YEAR
PARARANGALAN sina De La Salle University head coach Topex Robinson, San Beda University mentor Yuri Escueta, at University of Santo Tomas coach Haydee Ong bilang 2026 Collegiate Press Corps (CPC) Coaches of the Year matapos na gabayan ang kani-kanilang koponan sa kampeonato sa UAAP at NCAA.
Igagawad ang parangal sa 2026 CPC Awards Night sa Hunyo 29 sa Discovery Suites Manila sa Ortigas, Pasig. Inihahandog ang programa ng Strong Group Athletics, habang suportado ng San Miguel Corporation ang Coach of the Year award.
Kinilala si Robinson matapos pangunahan ang De La Salle Green Archers sa pagbawi ng korona sa UAAP Season 88 men’s basketball. Nalusutan ng Green Archers ang twice-to-beat na bentahe ng National University sa Final Four bago pinataob ang University of the Philippines sa best-of-three Finals upang muling masungkit ang kampeonato.
Dinala naman ni Escueta ang San Beda Red Lions sa kanilang ika-24 na titulo sa NCAA Season 101 men’s basketball. Winalis ng Red Lions ang mahigpit na karibal na Colegio de San Juan de Letran sa Finals kahit wala ang leading scorer na si Janti Miller sa Game 2.
Sa women’s basketball, pinangunahan ni Ong ang UST Growling Tigresses sa pagbawi ng kampeonato sa UAAP Season 88 matapos pabagsakin ang National University Lady Bulldogs. Ito ang ika-13 titulo ng UST sa women’s basketball at ikalawang kampeonato nito sa loob ng huling tatlong season.
Bukod sa tatlong basketball coaches, kikilalanin din sa taunang seremonya ang mga volleyball coach na nanguna sa kani-kanilang collegiate league. Suportado rin ang programa ng Go For Gold, D’Generals, Buffalos’ Wings N’ Things, at Discovery Suites bilang official venue partner.