PHILLIPS, MILLER, PASAOL PANGUNGUNAHAN ANG CPC MEN’S BASKETBALL MYTHICAL TEAM
PANGUNGUNAHAN nina De La Salle University standout Mike Phillips at bagong Green Archer Janti Miller ang 2026 Collegiate Press Corps (CPC) Men’s Basketball Mythical Team na pararangalan sa CPC Awards Night sa Hunyo 29 sa Discovery Suites Manila sa Ortigas, Pasig City.
Kasama rin sa prestihiyosong listahan sina University of Santo Tomas center Collins Akowe, Colegio de San Juan de Letran playmaker Jonathan Manalili, at Far Eastern University guard Janrey Pasaol.
Nakuha ni Phillips ang kanyang puwesto matapos maging isa sa mga pangunahing sandigan ng La Salle sa pagkampeon nito sa UAAP Season 88. Nagtala ang 6-foot-8 Filipino-American ng averages na 12.4 puntos, 14.5 rebounds at 3.5 assists kada laro.
Siya rin ang hinirang na Finals Most Valuable Player matapos pangunahan ang Green Archers sa panalo laban sa University of the Philippines sa championship series.
Bukod sa Finals MVP award, kabilang din si Phillips sa Mythical Team at pumangalawa sa botohan para sa Season MVP.
Samantala, muling ipinakita ni Akowe ang kanyang dominasyon sa ilalim ng basket para sa UST. Nagposte ang Nigerian center ng averages na 16.4 puntos, 14.5 rebounds at 1.4 blocks kada laro upang muling tanghaling Best Foreign Student-Athlete ng liga.
Para naman kay Pasaol, naging makasaysayan ang kanyang season matapos tanghaling Most Valuable Player ng UAAP. Nagtala ang FEU floor general ng averages na 15.4 puntos, 7.5 assists at 2.1 steals bawat laro.
Kinatawan naman ng NCAA si Manalili, na agad gumawa ng ingay sa kanyang unang taon sa seniors division. Nag-average ang Letran guard ng 11 puntos, 10.5 assists at 5.5 rebounds kada laro upang masungkit ang Rookie of the Year honors.
Kasama rin sa Mythical Team si Miller, na naging pangunahing sandata ng San Beda sa pagkampeon nito sa NCAA Season 101. Nagrehistro ang 6-foot-4 guard mula Fairfield, California ng averages na 20.4 puntos, 6.4 rebounds at 1.1 steals kada laro.
Matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Red Lions, lumipat si Miller sa De La Salle University para ipagpatuloy ang kanyang collegiate career. ADRIAN CO