REFUGIA BAGONG COACH NG LADY TAMS
ITINALAGA ng Far Eastern University si Manolo Refugia bilang bagong head coach ng women’s volleyball team habang kinuha naman si veteran PVL coach Rald Ricafort bilang consultant para sa kampanya ng Lady Tamaraws sa UAAP Season 89.
Inanunsiyo ng FEU ang mga pagbabago sa kanilang coaching staff ilang araw matapos magbitiw sa puwesto si dating head coach Tina Salak, na tututok sa kanyang role bilang head coach ng Akari Power Chargers.
Babalik si Refugia sa pamumuno sa koponan matapos magsilbi bilang assistant coach at pansamantalang head coach ng Lady Tamaraws noong UAAP Season 86.
Sa kanyang nag-iisang season bilang interim head coach, naihatid niya ang FEU sa Final Four at muntik pang maitulak ang top-seeded National University sa isang malaking upset matapos manalo ang Lady Tamaraws sa unang laro ng kanilang semifinal series bago nauwi sa do-or-die match ang kanilang paghaharap.
Isang produkto ng FEU volleyball program, kabilang din si Refugia sa Tamaraws squad na nagkampeon sa UAAP men’s volleyball tournament noong Season 74.
Ayon sa FEU, mahalagang salik sa kanyang pagkakahirang ang malalim niyang kaalaman sa programa at ang matagal nang koneksiyon niya sa koponan.
Samantala, magdadala naman ng malawak na karanasan si Ricafort sa Lady Tamaraws.
Ayon sa FEU, magbibigay si Ricafort ng estratehikong gabay at suporta habang naghahanda ang koponan para sa susunod na season.
Inaasahang pamumunuan nina Refugia at Ricafort ang isang matatag na core na binubuo nina Gerzel Petallo, Marga Encarnacion, Faida Bakanke, at Jazlyn Ellarina sa hangarin ng Lady Tamaraws na makabalik sa matinding kompetisyon sa UAAP Season 89.