ALAS NAGKASYA SA 8TH PLACE SA AVC CUP
NAKOPO ng Iran ang ika-7 puwesto sa 2026 AVC Women’s Volleyball Cup matapos nitong walisin ang Alas Pilipinas, 25-21, 25-12, 25-21, kahapon sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Mula sa unang set ay kontrolado na ng Iran ang laban sa pamamagitan ng balanseng opensa at matatag na depensa sa net upang maitala ang panalo sa loob lamang ng isang oras at 10 minuto.
Pinangunahan ni Elahe Poorsaleh Shahdehsari ang opensiba ng Iran sa pagkamada ng match-high na 17 puntos. Malaki ang naging ambag niya sa pag-atake ng kanyang koponan, kabilang ang walong puntos na kanyang itinala sa unang set na nagsilbing susi sa maagang pagbuo ng bentahe.
Nagdagdag si Fatemeh Khalili Chermahini ng siyam na puntos mula sa walong attacks at isang ace, habang may tig-8 puntos sina Zahra Salehi at Yasna Ahankoub Roo.
“We planned for this and trained hard,” ayon kay Iran middle blocker Reyhane Karimi.
Dahil sa pagkatalo, nagtapos ang Alas Pilipinas sa ika-8 puwesto, ang pinakamababang puwesto na nakamit nito sa torneo.
Pumasok ang Pilipinas sa kompetisyon na hangad na muling makapagpakita ng magandang kampanya matapos magwagi ng silver medal sa AVC Women’s Nations Cup noong nakaraang taon, ngunit nagtapos ang kanilang kampanya sa tatlong magkakasunod na pagkatalo, kabilang ang mga laban kontra finalists South Korea at Chinese Taipei.
Nanguna para sa Pilipinas si Alyssa Solomon na may 12 puntos mula sa 11attacks at isang ace. Nagdagdag naman si veteran opposite hitter Jovelyn Gonzaga ng anim na puntos, habang may limang puntos si middle blocker Nina Ytang.
Tinapos ng Pilipinas ang torneo na may 2-4 kartada.