Overtime

UST, NUNS-B KAMPEON SA 2026 SHAKEY’S GVIL

2 May 2026

NAKOPO ng University of Santo Tomas Junior Golden Tigresses ang titulo ng Shakey’s Girls Volleyball Invitational League Rising Stars Cup Division 1 matapos pataubin ang Bacolod Tay Tung High School Thunderbolts, 16-25, 26-24, 19-25, 28-26,15-10, sa finals kagabi sa La Salle Green Hills Gym.
Sinandalan ng Junior Golden Tigresses ang matikas na opensa ni Kimberly Rubin tungo sa pagkopo nila ng unang kampeonato sa torneo. Ito naman ang ikatlong sunod na runner-up finish ng Thunderbolts.
Samantala, winalis  ng National University Nazareth School-B Lady Bullpups ang University of Batangas High School, 33-31, 25-17, 25-23, sa winner-take-all final upang masungkit ang titulo sa Division 2.
Nagpakita ng matinding composure ang Lady Bullpups matapos makalusot sa dikitang unang set laban sa palaban na Junior Lady Brahmans bago tuluyang dominahin ang sumunod na dalawang sets para sa kanilang unang titulo.
Nanguna si Keera Talabut na may 14 puntos mula sa 13 kills at isang ace para sa NUNS-B na may malinis na 8-0 kartada sa torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R&B Milk Tea.
“Naging calm and composed lang kami kasi yun ang uunahin namin sa lahat. Inalis namin yung pressure and outside noise. Pinusuan po namin yung (first) set na yun ang pinaghirapan namin yun kaya naging dominant na kami sa mga sumunod na sets,” ani Talabut.
Nag-ambag si Ellaine Tayag ng 12 puntos, 11 dito ay mula sa kills, habang tumapos si Jheiza Giducos na may 12puntos, kabilang ang championship-winning block para sa Lady Bullpups.
Nagkaroon pa ng tensiyon sa ikatlong set nang malusutan ng UB ang dalawang match point upang makadikit sa 24-23 matapos ang kill ni Larra Recinto. Gayunman, tinuldukan ni Giducos ang laban sa pamamagitan ng matibay na depensa sa net.
“Actually, naging challenging siya kasi maraming mga bata. Thankful ako kay coach Karl (Dimaculangan) kasi binibigyan niya kami ng pointers kung paano gumawa ng program,” ani head coach Kenan Quitco.
“Sobrang hardworking ng mga players. Dun kami very proud na talagang tinatrabaho nila kung anuman ang ini-improve nila and ini-embrace nila ang system na ini-implement namin.”
Sa unang set, ilang beses na nasayang ng NUNS-B ang set point at kinailangan pang sumagip sa tatlong set points bago naagaw ang set. Naitabla ni Khaira Manzano ang iskor sa 30-all bago isinara ni Talabut ang set sa pamamagitan ng crosscourt kill at error ng UB.
Pinangunahan ni Recinto ang UB na may 11 puntos habang may siyam si Bea Butardo. Nagdagdag sina Andrea Gabrinao at Scarlett Escalante ng tig-anim na puntos para sa Junior Lady Brahmans na naputol ang pitong sunod na panalo.
Samantala, nakabawi ang NUNS-A matapos walisin ang Far Eastern University-Diliman, 25-18, 25-21, 25-18, upang makuha ang bronze medal sa Division 1 ng torneo.
Sa Division 2, nasungkit ng Bacolod Tay Tung High School Thunderbolts-B ang bronze matapos talunin ang Corpus Christi School, 25-15, 25-21, 18-25, 25-20.
Sa classification round, tinalo ng St. Jude Parish School ang University of Santo Tomas-B, 25-15, 25-17, 22-25, 25-22, para sa ikalimang puwesto, habang pumampito ang Domuschola International School matapos pataubin ang host na La Salle Green Hills, 25-22, 25-19, 20-25, 25-20.