Overtime

UAAP: SEMIS CAST KINUMPLETO NG TIGRESSES

26 April 2026

BUMANGON mula sa malamyang simula ang University of Santo Tomas Golden Tigresses upang patalsikin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 16-25, 25-20, 25-18, 25-16, sa kanilang playoff para sa huling puwesto sa Final Four ng UAAP Season 88 women’s volleyball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pinamunuan ni Angeline Poyos ang opensiba ng Golden Tigresses sa pagkamada ng 26 puntos mula sa 22 attacks at apat na blocks, bukod pa sa pitong excellent receptions at apat na excellent digs.

Nag-ambag si Regina Jurado ng double-double na 11 puntos at 12 excellent digs, habang nagtala si Xyza Gula ng siyam na puntos, 11 excellent digs, at pitong excellent receptions para sa UST.

Naging maayos ang pamamahagi ng bola ni Cassie Carballo na nagtala ng 21 excellent sets, kalakip ang pitong excellent digs at dalawang puntos, habang nagposte si Bernadett Pepito ng 18 excellent digs at 15 excellent receptions.

Matapos matalo sa unang set, agad nag-adjust ang Golden Tigresses at unti-unting nakuha ang kanilang ritmo upang dominahin ang Lady Tamaraws sa mga sumunod na set at selyuhan ang puwesto sa stepladder semifinals.

Sa panalong ito, naitala ng UST ang ikaanim na sunod na pagpasok sa Final Four mula pa noong Season 81 noong 2019, patunay ng kanilang tuloy-tuloy na pagiging kompetitibo sa liga.

Susunod na haharapin ng mga taga-España ang No. 3 seed Adamson University Lady Falcons sa stepladder phase, isang koponang dalawang beses tumalo sa kanila sa elimination round.

Samantala, nagtapos ang kampanya ng Lady Tamaraws sa ikalimang puwesto—isang hakbang paatras matapos makapasok sa Final Four sa nakaraang dalawang season. Pinangunahan sila nina Gerzel Petallo na may 14 puntos at Clarisse Loresco na may 11.

Ang larong ito ang  huli sa FEU ni setter Tin Ubaldo, na nagtala ng 15 excellent sets, limang excellent digs, at tatlong puntos sa pagtatapos ng kanyang collegiate career.