Overtime

UAAP: DLSU LUMAPIT SA OUTRIGHT FINALS

16 April 2026

ISANG hakbang na lamang ang layo ng De La Salle University Lady Spikers sa pagkopo ng outright Finals berth sa UAAP Season 88 women’s volleyball matapos dominahin ang University of the East Lady Warriors, 25-20, 25-18, 25-15, kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion.

Nanatiling walang talo ang Lady Spikers sa 13-0 at lumapit sa elimination round sweep na awtomatikong magdadala sa kanila sa Finals at magpapatupad ng stepladder format. Huli itong nagawa ng La Salle noong Season 76 noong 2014.

Tatangkain ng Taft-based squad na kumpletuhin ang sweep laban sa defending champion National University Lady Bulldogs sa Linggo, Abril 19, sa SM Mall of Asia Arena.

“Siguro, hindi naman mawawala ‘yung pressure pagdating sa amin. Siyempre, nandoon ‘yung pressure na kailangang manalo, pero lagi namang pinaaalala ni coach na score at number lang ’yan. Kailangan mag-focus pa rin sa kung ano ‘yung nasa harapan mo,” ani La Salle assistant coach Gian de Jesus.

Sa ikatlong set, mula sa 4-4 tabla ay unti-unting lumayo ang Lady Spikers, 15-9, sa pangunguna ng sunod-sunod na atake ni Shane Reterta. Tuloy-tuloy na ang kontrol ng La Salle hanggang tuluyang maisara ang laban sa loob lamang ng 78 minuto.

Nanguna sina Angel Canino at Shevana Laput na may tig-12 puntos. Nag-ambag din si Canino ng 10 excellent digs at pitong excellent receptions, habang may apat na excellent digs si Laput.

Nagpakitang-gilas din si Lilay del Castillo na may siyam na puntos mula sa limang blocks at apat na attacks, habang nagdagdag si Amie Provido ng walong puntos. Nagbigay naman ng suporta sina Reterta at Mikee Santos na may tig-limang puntos.

Samantala, nanatiling walang panalo ang UE sa 13 laro at lumobo pa sa 27 ang kanilang losing streak. Pinangunahan ni Khy Cepada ang Lady Warriors sa kanyang 13 puntos.

Sa ikalawang laro, winalis ng Adamson University Lady Falcons ang University of the Philippines Fighting Maroons, 25-19, 25-18, 25-16. Nanguna si Shaina Nitura na may 26 puntos.