Overtime

FIRST ROUND SWEEP SA LADY SPIKERS

16 March 2026

TINAPOS ng De La Salle University Lady Spikers ang first round ng UAAP Season 88 women’s volleyball tournament na walang dungis matapos gapiin ang National University Lady Bulldogs, 25-21, 25-19, 19-25, 25-17, kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinangunahan ni Shevana Laput ang Lady Spikers na may 19 puntos mula sa 15 attacks, tatlong blocks at isang service ace, na sinamahan ng walong excellent digs, upang iangat ang kanilang kartada sa 7-0.

Nag-ambag si Angel Anne Canino ng double-double na 14 puntos at 10 excellent receptions, habang nagdagdag si Amie Provido ng 12 puntos at siyam na excellent digs para sa La Salle.

Matapos makuha ng Lady Spikers ang unang dalawang set, tila patungo na sila sa isang straight-sets na panalo, ngunit nakabawi ang defending champion na Lady Bulldogs sa ikatlong set upang manatiling buhay sa laro.

Gayunman, agad na nakabawi ang La Salle sa ikaapat na set matapos magtayo ng 15-3 bentahe sa simula pa lamang ng set, na tuluyang naglatag ng daan sa kanilang panalo.

Sa panig ng NU, nagtala ng double-double ang rookie na si Samantha Cantada na may 13 puntos at 14 excellent receptions, habang umiskor si Chams Maaya ng 10 puntos. Laglag sila sa 5-2 kartada.

Sa unang laro, dinaig ng Adamson University Lady Falcons (4-3) ang University of the Philippines Fighting Maroons (3-4) sa straight sets, 25-18, 25-15, 25-19.

Nagpakita ng matatag na laro ang Lady Falcons mula umpisa hanggang dulo ng laban, gamit ang kanilang malakas na opensa at maayos na depensa upang mapigilan ang Fighting Maroons at makuha ang straight sets na panalo.

Pinangunahan ni Frances Mordi ang Adamson matapos kumamada ng 17 puntos, habang nag-ambag si Shaina Nitura ng 14 puntos upang tulungan ang Lady Falcons na tapusin ang unang round ng eliminations sa panalo.

Sa panig ng Fighting Maroons, nanguna sa opensa si Fina Ali na may walong puntos, habang nagdagdag si Joan Marie Monares ng pitong puntos.