Overtime

LADY BOMBERS BINOMBA ANG LADY PIRATES SA NCAA VOLLEY

22 February 2026

DUMAGDAG ang Jose Rizal University Lady Bombers sa suliranin ng Lyceum of the Philippines University Lady Pirates matapos ang 18-25, 25-23, 22-25, 25-20, 16-14 panalo sa NCAA Season 101 women’s volleyball kahapon sa San Andres Sports Complex.

Nakabawi ang JRU mula sa dalawang sunod na pagkatalo upang umangat sa 3-6 kartada sa Group A. Samantala, bumagsak ang Lyceum sa 3-5 sa Group B.

Pinangunahan nina Nicole Deala at Czarina Ramos ang JRU matapos kumamada ng tig-16 puntos, habang naging susi rin si Kyla Navarra sa opensiba sa kanyang 19 excellent sets.

Nagpamalas naman ng matinding laban si Shiela Pascual para sa Lady Pirates matapos magtala ng game-high na 28 puntos. Nag-ambag sina Hiromi Asada at Ashley Muchillas ng 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa unang laro, nanaig ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags laban sa Arellano University Lady Chiefs, 25-18, 27-25, 20-25, 25-17, upang umangat sa 3-6 sa Group A.

Pinangunahan nina Juna May Gonzales at Katherine Santos ang San Sebastian matapos umiskor ng 22 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa panig ng Arellano, nagtala sina Marianne Padillon at Crisanta Servidad ng tig-19 puntos, ngunit hindi pa rin ito naging sapat upang maiwasan ang pagbagsak ng Lady Chiefs sa ibabang bahagi ng Group B na may 3-5 record.